by Carla Paras-Sison
Delivered at ICANSERVE’s Silver Linings closing session, “Stories of Hope”, 25 September 2005, EDSA Shangri-La Hotel Garden Ballroom.
Ako po si Carla Sison. Ordinaryong empleyado. Tulad ng marami sa atin, kailangan ko ring kumayod upang mabuhay ang aking pamilya. Eto po ang aking SSS ID, eto ang aking driver’s license. Ang asawa ko po ay editor sa diyaryo. Ako po ay manunulat at nag-aaral sa gabi para makakuha ng MBA. Dalawa po ang anak namin. Hindi pa po namin naranasang magbakasyon sa ibang bansa. Ang bahay namin ay nakasanla sa Pag-IBIG, 25-year loan.
Ordinaryong pamilya lang po kami. Wala kaming kamag-anak na milyonaryo. Wala kaming ipon ni isang kusing sa bangko, dahil ang kinikita namin, tama lang para sa pang-araw-araw na gastusin at upang makapagbawas ng utang.
Nang malaman namin na may kanser ako, siyempre alam na kaagad naming hindi ako makakapagpagamot kung sariling kita lang naming mag-asawa ang aming aasahan. Kaya naman hindi kami tumanggi ng magkusa ang isang kaibigan na tulungan kaming ‘mamalimos’ sa mga kaibigan at kamag-anak.
Gumawa siya ng website para ipaalam sa mga kakilala namin na ako ay nagkasakit at sobrang mahal ng pagpapagamot na hindi namin kakayanin ng walang tulong mula sa kanila. Binigyan ko siya ng 150 email addresses – mga kaklase mula high school, college, graduate school, mga kamag-anak ko at ng mister ko, mga dati naming ka-opisina. Sinulatan niya silang lahat at ang sinabi lang niya sa email, kung kilala mo si Carla, you can help her. Visit the website, www.ourownlittleway.org.
Kaya ang unang natutunan ko mula sa dagok ng kanser sa aking dibdib at sa aming buhay ay: Marami palang taong nagmamahal sa akin at sa aking pamilya. May silbi pa kami sa mundo dahil nagbigay sila ng pera para makapagpagamot ako. Nag-abuloy sila para mapondohan ang aking chemotherapy, radiotherapy, gamot, lab test, etc. etc.
Mahigit isang daang tao sila, mga taong hindi ko nakikita sa loob ng matagal na panahon, mga taong nakalimutan ko na kung saan ko nakilala. Halos isang milyong piso ang nalikom na salapi. Mga donasyon mula limang daang piso hanggang isang daang libong piso bawa’t isa.
Noong Hulyo, nalaman sa aking regular check-up na kumalat na pala ang kanser sa ibang bahagi ng aking katawan. Ayon sa statistics, ang Stage 4 breast cancer patients ay may 16% chance ng survival up to five years. Ibig sabihin, tatlo lamang sa bawa’t dalawampu ang mabubuhay ng hanggang limang taon. Pero ito ay base sa nakaraang karanasan. Naniniwala ako na ang nakaraan ay hindi ko dapat gamitin para italaga ang mangyayari sa hinaharap.
Kaya ang pangalawa kong natutunan sa pagkakaroon ng kanser, ay maaari palang mabuhay ng may kanser. Para lang itong hika o diabetes, mga karaniwang sakit na matagalan ang gamutan. Pero lahat ng biktima ay maaari pa ring makapamuhay ng may dangal at kabutihan ng puso.
Nang malaman ng panganay kong anak, Grade 5 na siya, na kailangan ko ulit ng panibagong gamutan, sumama ang loob niya. Sabi niya, “Di ba Ma, magaling ka na? Di ba nagamot ka na?” Kaya ikinumpara ko na lang sa sipon ang kanser. Gumagaling ka sa sipon, pero nagkakasipon ka uli. Minsan may sintomas, minsan wala. Minsan mahirap huminga, minsan hindi.
Noong mga panahong iyon, halos araw-araw akong tinatanong ng bunso ko, Grade 1 naman siya “Mama, mamamatay ka na ba?” Siyempre, hindi napapanatag ang loob ng mga bata hangga’t ginagamot ako, pero kailangan din nilang matuto ng kanilang sariling mga leksiyon. At sila na mismo ang sasagot sa mga iba pa nilang katanungan. Nakakadurog ng puso at labis na nakakapagod kung iisipin ko pa ang nararapat na sagot sa lahat ng kanilang mga agam-agam.
Last year, tumigil ako sa pag-aaral para makapagpagamot. Ngayon, tuloy lang ako kahit muli akong ginagamot. Ayoko ng huminto ang buhay. Gusto kong ipakita sa mga anak ko na kahit wala sa kamay ko ang oras ng aking pagpanaw, nasa kamay ko ang bawa’t sandali habang ako’y nabubuhay. Kaya dapat mabuhay ako ayon sa mga pagkakataon, biyaya at mga pagpapalang ibinibigay sa akin ng Panginoon.Sa totoo lang, handa na akong mamatay. Updated na ang insurance ko. Pag namatay ako, mababawasan ang mga utang na maiiwan ko sa asawa ko. Sinabi ko na rin sa kanya na gusto ko ng cremation. Pero hangga’t may pagkakataon, lagi kong pinipiling mabuhay.
Uma-umaga, nagpapasalamat ako sa Diyos sa isa pang araw upang makapiling ang aking asawa at mga anak, isa pang araw para magtrabaho, mag-aral at mag-badminton, isa pang araw para makakuwentuhan ang mga kapatid ko sa ICANSERVE Foundation at ICANSERVE Message Boards (www.icanserve.net), isa pang araw para mag-aruga sa mga taong nakapaligid sa akin, isa pang araw
upang magmahal at maglingkod sa aking kapwa.
Gusto kong mabuhay ng masaya at puno ng pag-asa, gusto kong mapuspos ang mga sandali ng tunay na pasasalamat at pagtitiwala sa awa at pagpapatawad ng Diyos.
Hindi ako laging matagumpay sa pagsisikap kong ito. Pero magpupursige pa rin ako, at laging magiging handang mamatay sa pagpupunyagi na maging isang alagad ng mga Banal na Hangarin
To summarize, ito po ang dalawang pinanggagalingan ng pag-asa o ng Silver Lining sa buhay ko:
Una, ang kaalamang maraming taong nagmamahal sa akin at sa aking pamilya. Kahit mawala na ako ngayon, bukas, sa makalawa, panatag ang loob ko dahil sigurado akong hindi pababayaan ng Diyos at ng aking higit isang daang donors ang aking asawa at mga anak.
Pangalawa, maaaring mabuhay ng may kanser. Hindi ito isang hatol ng kamatayan. Ito ay isang natatanging paraan upang mabuhay ng maligaya ang isang ordinaryong tao, habang tapat na naglilingkod at nagmamahal sa kapwa at sa Panginoon.
Salamat po.